𝟴𝟰 𝗲𝗺𝗽𝗹𝗲𝘆𝗮𝗱𝗼 𝗻𝗴 𝗞𝗖𝗖 𝗠𝗮𝗹𝗹, 𝗽𝗼𝘀𝗶𝘁𝗶𝗯𝗼 𝘀𝗮 𝗿𝗮𝗽𝗶𝗱 𝘁𝗲𝘀𝘁𝗶𝗻𝗴; 𝟭𝟭 𝘄𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀 𝗽𝗼𝘀𝗶𝘁𝗶𝗯𝗼 𝗻𝗮𝗺𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗖𝗢𝗩𝗜𝗗-𝟭𝟵
October 11, 2020
0
GENERAL SANTOS CITY- Nasa 58 empleyado ng KCC Mall of GenSan ang isinailalim sa rapid testing noong Biyernes, October 9 kung saan 20 sa mga ito ang nagpositibo, ayon sa City Health Office.
Ito ay kasunod ng mga ulat na may ilang empleyado na ng naturang mall ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Kinumpirma naman ng CHO, na mayroon nang 11 empleyado ang KCC Mall na positibo sa COVID-19 at kasalukuyan itong naka-isolate.
Ayon sa CHO, ang mga empleyadong sumailalim sa testing ay nagmula umano sa iba't ibang departamento partikular na sa warehouse, wholesale, repacking at receiving.
Batay sa datus ng CHO, aabot sa kulang-kulang 150 empleyado na ang isinailalim sa rapid testing kung saan 84 sa mga ito ang nagkaroon ng 'reactive' na resulta.
Napag-alaman na mismong ang management raw ng naturang mall ang gumastos sa pagbili ng rapid test kits habang ang CHO naman ang nagsagawa sa proseso.
Inamin din ng isang opisyal ng CHO na sa ngayon ay wala nang rapid test kits ang lokal na pamahalaan kung kaya't hirap silang matukoy ang lahat ng taong posibleng nahawa sa COVID-19 partikular na sa mga direct contacts ng mga nagpositibo.
Subalit paglilinaw ng opisyal, kahit na ubos na ang rapid testing kits ay mayroon naman silang alternatibong pamamaraan ng rapid test partikular na ang "Rapid Antigen Test" na umano'y mas mainam sa pag-detect ng reactive anti-bodies o infection.
Kaugnay nito, kasalukuyang naka-quarantine na ang mga empleyadong nagpositibo sa rapid testing at patuloy na minomonitor ng local health authorities.
Samantala, pansamantala raw na isinara ng pamunuan ng KCC Mall ang nabanggit na mga departamento upang isagawa ang disinfection procedures sa lugar.