Sen. Trillanes IV, Di sang-ayon sa 9-yrs old criminal liability
January 22, 2019
0
Nangako si Senador Antonio Trillanes IV na mahigpit niyang tututulan ang panukalang ibaba ang age of criminal liability sa siyam na taong gulang.
Sa pahayag ni Trillanes, tinawag nito ang panukala na “anti-family, anti-poor at hindi makatarungan.”
Bilang dating nakulong, sinabi ni Trillanes na alam niya na ang panganib sa bilangguan ay magiging trauma sa mga bata at mababaon lang ang buhay ng mga ito sa krimen kahit sinabing ihihiwalay sila ng selda.
Giit ng senador, ang mga bata na may edad na labinlima pababa ay hindi pa psychologically at emotionally mature para sa determinasyon ng tama at mali.
Kung lumabag aniya ang mga bata sa batas ay dapat silang idaan sa rehabilitasyon at counseling.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa nasabing panukala.
Mas mababang age of criminal liability, hindi nararapat ayon sa isang abogado
Hindi dapat tratuhin bilang kriminal ang mga bata dahil biktima lamang sila ng mga nasa likod ng masamang gawain.
Sa panayam ng DZAR Sonshine Radio at SMNI, sinabi ni Atty. Chel Diokno, chairman ng Free Legal Assistance Group kasunod ng paglusot sa committee level ng Kamara ng panukalang ibaba sa siyam na taon ang minimum age ng criminal liability.
Giit ni Diokno, hindi makatarungan ang panukala dahil paglabag ito sa commitment ng Pilipinas bilang principal signatory ng Convention on the Rights of the Child at iba pang international treaties sa child protection.
Alinsunod aniya sa nasabing kasunduan ay hindi maaaring bumaba sa labindalawang taong gulang ang edad ng criminal liability kung saan ang minimum ay labindalawa at kung maaari ay mas mataas pa.
Dagdag ni Diokno, biktima lamang ang mga bata at ang dapat parusahan ay ang mga sindikato at iba pang indibidwal na ginagamit ang mga ito sa masasamang gawain.
Ayon kay Diokno, ang DSWD ang kailangang tumulong sa mga batang sangkot sa krimen at hindi solusyon dito ang kulungan.
Binigyang-diin pa nito na may karapatang mabuhay ng may dignidad ang mga bata at kung ilalagay sila sa mga kulungan ay lalo silang magiging kriminal dahil torture sa kanila ang ganitong kondisyon.
Pabor lamang aniya ito sa kasalukuyang batas na labinlimang taong gulang ang minimum na edad ng criminal responsibility.